E-Book, Tagalog, 234 Seiten
Olsa / Olša / Jr. Layag
1. Auflage 2018
ISBN: 978-971-27-3437-3
Verlag: Anvil Publishing, Inc.
Format: EPUB
Kopierschutz: 0 - No protection
European Classics in Filipino
E-Book, Tagalog, 234 Seiten
ISBN: 978-971-27-3437-3
Verlag: Anvil Publishing, Inc.
Format: EPUB
Kopierschutz: 0 - No protection
More than five centuries ago, the first Europeans set foot on Philippine soil after miles upon miles of sailing the world's hitherto impassable oceans. Now, it's the Filipino, who gets to explore unfamiliar territory through .
This pioneering anthology, spearheaded by the EUNIC (European Union National Institutes of Culture) - Manila, gives us a glimpse of the rich tapestry of European literature-from the myths and legends of Central Europe to the timeless tales of the West.
Autoren/Hrsg.
Weitere Infos & Material
INTRODUKSYON
Parating nasa limbagan ng Pilipinas ang mga salin mula sa mga banyagang wika. Gayunman, naging mahalaga lamang ang mga akdang ito noong unang bahagi ng 20th siglo, kung saan ang mga salin sa Filipino—kaalinsabay ng maraming ibang panitikan ng Asya—ay hindi lamang pinagkukunan ng kaalaman tungkol sa kanlurang mundo, kundi naka-impluwensiya rin sa mga bata at nagpupunyaging Pilipinong manunulat na matuto ng mga pamamaraan ng makabagong panitikan. Habang nanatiling mahalagang parte ang mga pagsasalin sa industriya ng paglilimbag sa karamihan ng mga bansa sa Asya; sa Pilipinas, dahil sa kaalaman sa wikang Ingles, abot-kamay ang panitikan mula sa buong mundo, naging limitado ang pangangailangan at medyo bihira ang pagsasalin. Kaya't ang paggawa ng ganitong antolohiya—ang una sa klase nito—na nagtataglay ng malawak na pagpapakilala sa klasikal na panulat sa Europa sa Filipino, ay maaring pumukaw ng bagong interes sa isinaling panitikan.
Mahigit isandaang taon na ang lumipas mula nang ang unang libro—Doctrina Christiana—ay nalimbag sa Maynila, bago ang pinakaunang salin sa Tagalog ay lumabas sa anyo ng libro noong 1703. Manga Panalanging Pagtatagobilin sa Caloloua nang Taoung (naghihingalo) na sinulat ng Kastilang Hesuita na si Thomas de Villacastin, at isinalin ng ipinanganak sa Pilipinas na si Gaspar Aquino de Belen, ay nagtataglay ng katipunan ng mga dasal na ginagamit sa buong mundo upang tulungan ang naghihingalo. Pagkaraan ng labing-isang taon, isa pang salin sa Tagalog ang lumabas, Historia Lauretana, na orihinal na isinulat sa Latin ng Italyanong Hesuita na si Orazio Tursellini. Ang titulong ito ay mas “European” dahil hindi lamang ito sinulat kundi isinalin din ng kapwa taga-Europa, ang Hesuitang si Pablo Clain1 , na importanteng naunang manunulat sa Tagalog na kilala sa kanyang mga tekstong medikal at teolohiko at mga tulang relihiyoso. Ang mga librong ito ay hindi lang unang salin ng akdang European sa Tagalog, kundi nagtataglay rin ito ng maraming larawan, ang mga ito ang naging unang isinalarawang librong nalimbag sa Pilipinas.
Nagsimulang lumabas ang unang hindi relihiyosong salin sa huling bahagi ng 19th siglo. Kabilang rito ang mga unang librong nakatutok para sa kabataan—tulad ng Ang Bagong Robinson na nalimbag sa Tagalog noong 1879. Halaw ito sa tanyag na kuwento ni Robinson Crusoe na isinulat ni Joachim Heinrich Campe, isang Alemang manunulat mula sa Panahon ng Pagkamulat, at isinalin mula sa Kastila ni Joaquin Tuason, isang kilalang kasabayang relihiyosong manunulat, makata at tagasalin.
Ang produksiyon, sirkulasyon at pag-angkat ng mga babasahin ay pinangasiwaan ng kolonyal na pamahalaang Espanyol hanggang 19th siglo kaya’t limitado ang kaalaman sa kontemporaryong kanluraning panitikan sa Pilipinas. Dahil hinigpitan ng mga sensura ang pagpasok ng mga libro sa maraming kadahilanan, tulad na lamang ng pagpapakita ng mga imoral na kaugalian, patagong nakilala ang mga mahalagang kontemporaryong nobela at likhang panitikan ng mga tanyag na manunulat tulad nina Alexandre Dumas at Victor Hugo.
Sa kabutihang palad, para sa mga ilustrados na naglalakbay at nag-aaral sa Europa, ang mga akdang ito ay nakuhang maka-impluwensiya sa kanila. Ang mga nobela ni Rizal na sa kalakhan ay iwinangis sa realismo ay napag-alamang naimpluwensiyahan ng non-realist at adventure na mga akda ng mag-amang Dumas. Ang magaling sa wikang si José Rizal ay naging importanteng tagasalin na nag-iwan ng tatak sa kasaysayan ng isinaling panitikan sa Pilipinas.
Sa panahong nasa Europa si Rizal, gamit ang salin sa Aleman bilang pinagkukunang teksto, isinalin niya ang limang fairy tales ng Danish na manunulat na si Hans Christian Andersen2. Gumuhit rin siya ng mga larawan sa hangad na maturuan ang kanyang mga pamangkin. Kahit natapos ni Rizal ang kanyang ginagawa habang nasa Leipzig noong Oktubre 18863, ang mga salin ay nalathala lamang noong 1954. Sa mga panahon ding iyon, nahikayat si Rizal na isalin ang isa pang importanteng European literary classic drama na Wilhelm Tell ng Suwisong manunulat na si Friedrich Schiller. Ang salin nito sa Tagalog ay nalathala lamang noong humayo na siya noong 1907 bilang Guillermo Tell, kung saan ang paksa nitong makabayan ay umantig marahil sa mambabasang Pilipino.
Noong huling bahagi ng 20th siglo, ang pinakamadaling hanaping mga libro o librito ay iyon pa ring metrical romances at novenas na kadalasa’y kaawaawang inilimbag sa halos hindi mabasang mga letra sa mumurahing papel. Unti-unti sa pagdaan ng mga taon, naging popular ang mga bagong libro tulad ng mga nobela na mas maayos na nailimbag, kung minsan may makulay na pabalat at paperback binding. Nakita sa unang mga dekada ang pagsigla ng pagsusulat sa Tagalog at ilang iba pang wika sa Pilipinas. Ito ay nagbukas ng pagkakaton para sa mga pagsasalin at paglilimbag ng mga akdang pampanitikan ng Europa.
Ang pinagmulan ng mga pagsasalin—dahil sa kaalaman sa wika—ay mga librong Kastila. Kaya't hindi nakapagtatakang ang unang salin sa libro ng isang banyagang nobela sa Tagalog – kumpara sa karamihan sa mga bansang Asyano—ay lumabas lamang sa huling bahagi ng unang dekada ng 20th siglo, noong 1910, Isang Mahiwagang Pamumuhay ay isang salin at/o kaya’y halaw ni Sofronio G. Calderon mula sa hindi pa kilalang trabaho, malamang isang manunulat na taga-Europa.
Tumatak sa mga naunang nobelistang Tagalog ang mga saling ito. Nabahiran ang mga ito ng pagkiling sa romansa na karaniwan sa noo’y kasabayang nobelang Kastila. Dagdag pa rito, mas pinili ng mga pinakaunang manunulat sa Tagalog ang popular kaysa akdang sining at kasama sa kanilang pinili ang The Three Musketeers at Notre Dame de Paris4. Dahil sa popularidad ng sinulat sa Pranses, pinakamadalas isalin ang mga akda ng mga manunulat na Pranses sa unang dalawang dekada ng 20th siglo sa Pilipinas. Kalaunan, dahil maraming akda ng mga manunulat na Pranses ay isinalin sa unang mga dekada ng 20th siglo—posible na ang manunulat sa Filipino ay natutuhan ang klasikong anyo at pamamaraan ng maikling kuwento mula sa mga manunulat na Pranses, lalo na si Guy de Maupassant5.
Ang pinakapopular na mga nobelang Pranses na nalathala sa Tagalog noong unang ika-apat na bahagi ng siglo ay ang mga noo'y kasalukuyang bestsellers, tulad ng sinulat ni Eugéne Sue na Ang mga Hiwaga ng Paris (isinalin ni Francisco Sugui, 1912), ang sinulat ni Alexandre Dumas na Ang Conde ng Monte Criste (isinalin ni Pascual H. Poblete, 1914), Sa Gitna ng Lusak / The Lady of the Camellias (isinalin ni Gerardo Chanco, 1915), at ang sinulat ni Victor Hugo na Huling Araw ng isang Bibitayin (isinalin ni Gerardo Chanco, 1917).
Noon lamang unti-unting lumabas ang ibang klase ng mga libro, tulad ng kilala sa buong mundo na kuwento ng kapalaran ng naunang mga Kristiyano sa kahabaan ng paghahari ni Emperador Nero, Saan Ka Paparoon? (isinalin mula sa Kastila ni Aurelio Tolentino, 1915) akda ng Polish na ginawaran ng Nobel Prize na si Henryk Sienkiewicz, akda ni Dante Alighieri na Ang Bathalang Dulâ (isinalin ni Rosendo Ignacio, 1917), akda ni William Shakespeare na Hang osa Julieta y Romeo (isinalin ni Pascual de Leon, 1918), pati na ang Natapos na ang lahat!, Anna Karenina, ng Rusong si Leo Tolstoy (isinalin ni Narciso S. Asistio, 1924)6.
Kahalintulad—ngunit hindi kasindami—ang bilang ng isinalin sa Cebuano, kung saan mayroong humigit kumulang tatlong dosenang nobela ng mga manunulat na Kastila, Pranses, Ingles, Italyano at Ruso ay isinalin at isinerye sa mga pahayagang lokal, pero mabibilang sa kamay ang isinalibrong nalimbag. Ito ang mga nobela ng Rusong si Leo Tolstoy, mga Italyanong Carolina Invernizzio at Giovanni Bocaccio, ng Belgian na si Hendrik Conscience, at dala ng popularidad ng panulat ng Pranses di lamang ni Alexandre Dumas, kundi pati ng hindi kilala kung sino ang sumulat na seleksyon ng maiikling kuwento sa Pranses—tingnan Alburo, Erlinda K.—Mojares, Resil B.: List of Published Literary Translations to/from Cebuano. Philippine Quarterly of Culture and Society, 18 (1990).
Ang maikling sigla ay agad nagwakas nang nasaksihan noong 1920s ang simula ng pananamlay ng paglalathala sa Tagalog. Pakaunti nang pakaunti ang inilalabas na isinaling akda sa anyo ng libro sa dahilang mga lingguhang magasin ang naging pangunahing babasahin na naglalabas ng hindi lang orihinal na kathang isip, kundi maging mga salin na kadalasan ay isinaserye at madalang na makita ang isinalibrong bersiyon.
Habang ang mga taon pagkaraan ng Pangalawang Digmaang Pandaigdig ay mailalarawan bilang panahon ng komiks sa panulatang Tagalog, hindi kataka-takang kaunti lang sa isinaling pamagat ang nalathala na pinangungunahan ng parehong manunulat sa Pranses noong simula ng siglo.
Noong simula ng 1960s, isang aktibong pagtutulungan sa panitikan ng Alemanya at Pilipinas ang nabuo, salamat sa mga pagkukusa ni Ms. Pura Santillan Castrence, ang noo’y embahador ng Pilipinas sa kanlurang Alemanya. Katulong si Horst Erdmann Verlag na nakabase sa Tubingen, isang serye ng pagsasalin sa parehong panitikan ang nalathala sa Aleman, Ingles, Filipino at Ilokano7. Ang nakabase sa Maynila na Regal Publishing ang pangunahing katuwang na naglathala ng katipunan ng akdang Aleman sa publiko ng Pilipinas. Dalawang...




